ANG WIKA
Sa paglipas ng panahon, nagkaroon ng iba't ibang kahulugan ang wika.Ayon kay Haring Psammatichos ng Ehipto, ang wika ay sadyang natutunan.Ayon kay Plato, isang Griyegong iskolar, ang wika ay nagmula sa batas ng pangangailangan ng tao.Ayon sa pag-aaral ni Charles Darwin, ang pakikipagsapalaran ng mga tao upang mabuhay ang siyang nagturo ssa kanila upang lumikha ng wika. Sa pananaw naman ni Rene Descartes, isang pilosopong Pranses, ang wika ay nagpapatunay ng pagkakaiba-iba ng mga tao.Batay sa prinsipyo ni Ferdinand de Saussure, isang functionalist, mas kailangan daw pagtuunan ng pansin ang anyo at paraan ng wikang ginagamit ng isang nagsasalita sa halip na pagtuunan ng kahulugan nito. Ayon kay Emile Durkheim, ang tinaguriang "Ama ng Makabagong Sosyolohiya",ang tao raw ay nabubuhay,nakikipagtalastasan at nakikisama sa lipunang kinabibilangan niya.
Ayon kay Roman Jakobson, isang Ruso-Amerikanong dalubwika,may anim (6) na paraan ng paggamit ng wika:
- Pagpaphayag ng damdamin (Emotive)
- Panghihikayat (Connative)
- Pagsisimula ng pakikipag-ugnayan (Phatic)
- Paggamit bilang sanggunian (Referential)
- Pagbibgay ng kuru-kuro (Metalingual)
- Patalinghaga (Poetic)
Ayon kay Michael Halliday, isang British na dalubwika na ipinaganak sa Australya, may pitong (7) tungkulin ang wika:
- Pang-instrumental
- Panregulatori
- Pang-interaksyon
- Pampersonal
- Pang-imahinasyon
- Pangheuristiko
- Pang-impormatibo
Ayon kay Henry Allan Gleason, isang dalubwika at propesor sa Pamantasan ng Toronto sa Estados Unidos, ang wika ay masistemang balangkas.Lahat ng wika ay nakabatay ng mga Ponema o mga tunog.Kapag ang mga ponema ay pinagsama-sama ito ay nakakabuo ng isang maliit na yunit na salita na tinatawag ng Morpema.At ang mga pinagsama-samang morpema ay nakakabuo ng isang Pangngusap. Habang ang mga pinagsama-samang mga pangungusap ay nakabuo ng isang Talata na bumubuo sa mga lathain. At ayon rin kay Gleason, may pitong (7) katangian ang wika:
- Sinasalitang tunog
- Masistemang balangkas
- Pinili at isinaayos sa paraang arbitraryo
- Kabuhol ng kultura
- Ginagamit sa komunikasyon
- Nagbabago
- Natatangi
Maraming teorya ang nagpapaliwanag ng pinagmumulan ng wika. Bagamat hindi lahat ay may sapat at kongkretong batayan, nagsisilbi pa rin ang mga ito bilang gabay sa atin para magkaroon ng kabatiran tungkol sa pinagmulan ng wikang ating ginagamit. May dalawang uri ito — Teoryang Biblikal at Teoryang Siyentipiko.
Ipinapahayag sa Teoryang Biblikal, ang wika raw ay kaloob ng Diyos sa tao. Hango ito sa mga pangyayaring nagpapakita ng kapangyarihan ng Diyos upang magkaroon ng kaayusan sa mundo at maipalaganap ang mabuting salita.
Ayon naman sa Teoryang Siyentipiko, may iba't ibang teoryang nagpapaliwanag sa pinagmulan ng wika na may kinalaman sa mga tunog na naririnig ng mga tao sa kanilang kapaligiran, masidhing damdamin ng mga tao, pagtatrabaho ng mga tao, kumpas ng kamay ng mga tao, at mula sa sinaunang ritwal at dasal ng mga tao.
May anim (6) na antas sa paggamit ng wika:- Wikang Pambansa
- Pampanitikan
- Teknikal
- Lalawiganin
- Balbal
- Idyolek
ANG WIKANG PAMBANSA NG PILIPINAS
Mahaba-haba rin ang pinagdaanang ng ating wikang pambansa bago nito marating ang kasulukuyang kalagayan nito. Maraming beses itong nirebisa at binago hanggang sa kasulukuyan.
Unang nabanggit ang pagkakaroon ng wikang magbubuklod sa mga Pilipino noong mapagkasunduan ng mga Katipunero batay sa Saligang Batas ng 1897 na gawing opisyal na wika ng rebolusyon ang Wikang Tagalog. Ito ay sa kadahilanang kailangan ng isang wikang magbibigkis sa himagsikan at nagkataong karamihan sa mga nanguna sa rebolusyon ay mga Tagalog.
Makalipas ng ilang taon, nakamtan natin ang kalayaan mula sa mga Espanyol ngunit sa pagpasok ng mga Amerikano sa ating bansa ay ipinakilala nila ang wikang Ingles sa mga Pilipno. Ginamit ng mga Amerikano ang wikang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa mga Pilipino ngunit lumabas sa pagtatalang ginawa ng Komisyong Monroe noong 1925, napatunayang hindi ganoong naging mabisa ang paggamit ng Ingles sa pagtuturo sa primarya. Kung kaya't noong 1931 iminungkahi ng noo'y Bise-Gobernador-Heneral at kalihim din ng pampublikong edukasyo na si George Butte, na gamitin na ang mga benakular na wika upang gawing midyum sa pagtuturo.
Pang. Manuel Luis Quezon |
Binigyang katugunan sa pangangailangan ng bansa ng isang wikang pambansa na magbubuklod sa bansa ng Kumbensiyong Konstitusyonal ng 1935 sa kaanyuan ng Artikulo XIV, Seksyon 3 ng Konstitusyon ng 1935.
Noong 1936, pinagtibay ng Pambansang Asemblea ang Batas Komonwelt Blg. 184 ang pagtatag ng Surian ng Wikang Pambansa at pagtatakda ng mga kapangyarihan at tunkulin nito. Ito ay binubuo ng mga kinatawan ng iba't ibang pangunahing wika sa bansa.
Matapos na maisagawa ng Surian ang atas ng batas, ipinahayag ni dating Pangulong Manuel Luis Quezon noong 1937 sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 na nagrerekomenda na Tagalog ang gawing saligan ng Wikang Pambansa.
At sa pamamgitan ng Batas Komonwelt Blg. 570 ng 1946, ipinahayag ang pagiging isa sa mga opisyal na wika ng wikang pambansa.
Nagkaroon ng kongkretong pangalan ng wikang pambansa at tinawag itong PILIPINO sa bisa ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 7 ng 1959 ng dating kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon na si Jose Romero.
ANG EBOLUSYON NG ORTOGRAPIYANG FILIPINO
Ang Alibata |
Sa pagdating ng mga Kastila, pinalitan nila ang Alibata ng Alpabetong Romano na siya namang pinagbatayan ng ABAKADANG Tagalog.
Ang ABAKADANG Tagalog ay binuo ni Lope K. Santos nang kanyang sulatin ang Balarila ng Wikang Pambansa noong 1940. Ito ay binubuo ng dalawampung (20) letra kung saan lima (5) sa mga ito ay patinig habang labinlima (15) naman ang katinig.
At pagkalipas ng maikling panahon, ang ABAKADANG Tagalog ay pinalitan ng Bagong Alpabetong Pilipino. Ito ay ipinatupad sa bisa ng Memorandum Pangkagawaran Blg. 194 s. 1976 ng Kagawaran ng Edukasyon at Kultura. Ang dalawampung (20) letra ng Abakadang Tagalog ay dinagdagan ng labing-isang (11) letra at digrapo.
Bilang tugon sa itinadhana ng Saligang Batas ng 1986 hinggil sa mabilis na pagbabago, pag-unlad, at paglaganap ng Filipino bilang wikang pambansa at pampamahalaang wika at pagsang-ayon sa Patakaran ng Edukasyong Bilingwal ng 1987, muling binago ang alpabetong Pilipino at sa bisa na rin ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 81 s.1987 ng Kagawaran ng Edukasyon, Kultura at Isports pormal itong inlunsad ng LWP noong Agosto 19,1987 bilang 1987 Alpabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino. Ito ay naglalaman ng mga alituntunin sa ispeling gamit ang walong (8) bagong letra.
Sa ikaapat na pagkakataon muling nirebisa ng Komisyon sa Wikang Filipino ang Alpabetong Filipino maging ang mga tuntunin sa pagbayabay nito.Tinawag itong 2001 Revisyon ng Alfabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino.
At sa muling pagkakataon, ang 2001 Revisyon ng Alfabetong Filipino ay muling nirebisa at tinawag na Ortograpiya ng Wikang Filipino 2009. Binibigyang diin nito ang mga kalakaran kung papaano sumusulat ang mga Pilipino sa kanilang wikang pambansa at ang mga estandardisadong grapema nito.
ANG KOMUNIKASYON
Ang Komunikasyon ay nagmula sa salitang Latin na "Communis" na nangangahulugan na karaniwan o panlahat. Ito ay isang proseso ng pagpapalitan ng impormasyon na kadalsang ginagawa sa pamamagitan ng mga karaniwang simbolo. Ayon kay Judee Burgoon, isang Propesor ng Komunikasyon sa Pamantasan ng Arizona sa Estados Unidos, ang komunikasyon raw ay isang simbolikong gawi ng dalawa (2) o higit pang tao.Ayon naman kay Atienza, ang komunikasyon raw ay maka-agham at maka-sining sapagkat ito ay may sinusunod na mga proseso at teknik. Batay naman sa depinisyon ni Saundra Hybels,isang manunulat, ang komunikasyon raw ay isang proseso ng pagtatransmit ng signal. Sa pananaw naman ni Webster, ang komunikasyon raw ang pagpapahayag, pagpapabatid, o pagbibigay ng impormasyon. Ayon naman kay Clarence Barnhart, ang sumulat ng "American College Dictionary", ang komunikasyon raw isang pagpapahayag, sa pamamagitan ng pagsenyas, pagsulat at pagsalita.
May pitong (7) antas ang Komunikasyon, at ito ay ang mga sumusunod :
- Intrapersonal na Komunikasyon
- Interpersonal na Komunikasyon
- Komunikasyong Pang-maliit na Grupo
- Interkultural na Komunikasyon
- "One-to-Group" na Komunikasyon
- Pangkaunlarang Komunikasyon
- Pangmasang Komunikasyon
Gaya ng ibang bagay, may kahalagahan din ang Komunikassyon sa ating mga buhay, at ito ang mga sumusunod :
- Maisunod ang sarili sa lipunang ginagalawan.
- Ang tagumpay at kabiguan ay nakasalalay sa paraan ng pagkakaunawaan.
- Pinatatag ang kalagayan at binibgyang halaga ang pagkatao.
- Makakagawa ng desisyon tungkol sa anumang bagay.
- Nakakapagpabago ito ng pag-uugali at pananaw ng isang tao.
May anim (6) na elemento na nakakaapekto sa proseso ng komunikasyon, at ito ang mga sumusunod:
- Pinanggalingan ng Mensahe
- Mensahe
- Tagatanggap
- Tugon/Pidbak
- Sagabal
- Kontext
May dalawang (2) uri ang komunikasyon — BERBAL NA KOMUNIKASYON at DI-BERBAL NA KOMUNIKASYON
Ang Berbal na Komunikasyon ay isang pormal o intelektwalisadong pamamaraan ng komunikasyon na gumamagamit ng mga istruktura ng wika.Tuntuninin nito na ipahayag ang mensaheng nais ipaabot sa pamamaraang pasulat o pasalita.
Ang Di-Berbal na Komunikasyon naman ay isang uri ng Komunikasyon na gumagamit ng kilos o galaw ng katawan sa pagpapahayag ng mensahe. Ito ay karaniwang gumagamit ng mga sumusunod na kaanyuan sa pagpapa-abot ng mensahe :
- Kinesika o Galaw ng Katawan
- Proksemika o Espasyo
- Pandama o Paghawak
- Paralanguage o Paraan ng Pagbigkas
- Katahimikan
- Kapaligiran
- Simbolo
- Kulay
ANG MAKRONG KASANAYAN
Ang epektibong pagpapahayag ng kaisipan, saloobin, naisin, at damdamin ay isang mahalagang bahagi sa proseso ng pakikipagtalastasan. Ang pangunahing sangkap sa epektibong komunikasyon ay ang wastong paggamit ng sariling wika. Ang Makrong Kasanayan ay isang epektibong pamamaraan ng komunikasyon sapagkat nagagamit ng tao ang kanyang limang (5) pandama sa pakipagtalastasan sa kanyang kapwa. Ang Makrong Kasanayan ay binubuo ng limang (5) kasanayan at ito ang mga sumusunod :
- Makrong Kasanayan sa Pakikinig
- Makrong Kasanayan sa Pagsasalita
- Makrong Kasanayan sa Pagbabasa
- Makrong Kasanayan sa Pagsusulat
- Makrong Kasanayan sa Panonood
Ang Pakikinig ay itinuturing na isang mabilis at mabisang pamamaraan ng pagkuha ng impormasyon ngunit nangngailangan ito ng ibayong konsentrasyon sa pag-unawa ng mga nabanggit na salita ng iyong taong kausap. Ito rin ay isang daan tungo sa pagkakaunawaan ng mga tao.
Ang Pagsasalita ay isang kakayahan at kasanayan ng isang tao na maihayag ang kanyang mga ideya at saloobin tungkol sa isang paksa sa pamamagitan ng paggamit ng wikang nauunawaan ng kanyang mga kausap. Ito ay naipapakita sa mga sumunod na kasanayan:
- Pakikipag-usap
- Pakikipanayam
- Pangkatang Talakayan
- Pagtatalumpati
- Pakikipagdebate
Ang Pagbasa ay ang interpretasyon ng mga nakalimbag na simbolo at ito rin ay ang pagtanggap ng mensahe sa pamamagitan ng pagtugon ng damdamin at kaispan sa mga simbolong nakalimbag sa mga pahina ng mga babasahin.Ang pagbabasa ay mauuri ayon sa Paraan at Layunin.
Ang Pagsulat ay isang paraan upang ang kaisipan ng isang tao ay kanyang maipahayag sa pamamagitan ng mga simbolo. Ito rin ay isang paraan ng pagpapahayag kung saan naiaayos ang iba't ibang ideya na pumapasok sa ating kaisipan. Ito ay may dalawang (2) uri — Sulating Pormal at Sulating Di-Pormal. Ang Sulating Pormal ay galing o bunga sa mga leksyong napag-aralan o tinalakay sa mga klase, forum, at seminar. Samantalang ang Sulating Di-Pormal naman ay siyang nagiging batayan ng pagsusulat ng Sulating Pormal.
Ang Panonood ay isang kakayahang pangkomunikasyon na umuunawa sa mga nakikitang imahe sa kapaligiran ng isang tao at ito rin ay nakakatulong sa pagpapaunlad ng kaalaman sa pamamaraang pagkuha nang mas malalim na hinuha mula sa mga bagay na nakita at narinig.
Photo Credits: http://malacanang.gov.ph/presidents/commonwealth/manuel-quezon/
http://tl.wikipedia.org/wiki/BaybayinPhoto Credits: http://malacanang.gov.ph/presidents/commonwealth/manuel-quezon/
http://www.freeflagicons.com/country/philippines/speech_bubble_icon/
Reference: http://ejournals.ph/index.phpjournal=malay&page=article&op=view&path%5B%5D=2819